Kulet Returns
June 16, 2011Pasukan na naman. Grade 1 na si Kulet. As usual, makulit pa rin. Lumala pa nga ata.
Isang araw:
Kulet: Mama, pwede po bang mag-baon ako sa school ng juice?
Nanay: Hindi pwede kasi hindi healthy yun. Tubig ang dapat na baon mo.
Makalipas ang isang linggo..
Kulet: Mama, may bagong rule na daw sa school, sabi ni teacher.
Nanay: Ano yun?
Kulet: Bawal na daw mag-baon ng tubig. Juice daw dapat ibaon.
Nanay: (nakataas ang kilay) Hindi ako naniniwala. Nag-meeting pa lang kami ni teacher mo at ang sabi, bawal na daw mag-baon ng juice sa school. Dapat daw tubig ang baon ninyo.
Kulet: E bago ngang rule eh!
——–
Isang araw, naliligo si Kulet:
Tatay: Anak, tulungan na kitang maligo ha? di mo kasi nalilinis yung sa likod mo eh.
Kulet: Papa, my life is my own. Pabayaan mo ako. Kaya ko ang buhay ko.
——–
Nanalo sa pa-raffle ng isang mall ang tatay ni Kulet. Eectric fan ang prize. Nung kukunin na ang prize, sumama si Kulet.
May-ari ng mall: Eto na po ang prize ninyo…
Kulet: (malakas ang boses) Bakit ba ganyan ang napanalunan mo, Papa? Ang pangit-pangit naman nyan!
Nanay (sabay tingin sa may-ari ng mall na nakasimangot na):Anak, wag kang maingay. Nakakahiya.
Habang papalayo sina Kulet, hinawakan ni Kulet ang mga trophy na naka-display sa tindahan.
Nanay: Anak, wag mong pakikialaman ang mga yan. Baka masira mo yan, wala tayong pambayad.
Kulet: Peke naman yan eh!
Nanay (nakatingin sa may-ari ng mall na masama na ang tingin kay Kulet): Tumahimik ka Kulet, tumahimik ka!
Tatay: Wag mo na nga kasing kausapin para wag nang mag-ingay! (sabay dali-daling umalis ang pamilya)
———-
Para sa isang 7 years old, natural na malakas ang boses ni Kulet. Isang araw, habang nagsi-swimming ang pamilya sa isang resort, may nakita si Kulet sa pool na babaeng nagpa-kulay pula ng buhok.
Kulet (syempre within earshot ng babaeng pula ang buhok): Mama, sa totoong Pilipinas ba, talagang may Pilipinong kulay pula ang buhok?
Nanay: Tara na anak, ahon na tayo at parang giniginaw ka na…









